CLEVELAND -- Humataw si Fil-American guard Jordan Clarkson ng 28 points para pangunahan ang Cavaliers sa 113-106 pagdaig sa bisitang New York Knicks.
Nagsalpak si Clarkson ng 12-for-21 fieldgoal shooting, kasama ang 2-for-7 clip sa three-point line sa loob ng 34 minuto para sa panalo ng Los Angeles, nakahugot kay Rodney Hood ng 23 points kasunod ang 19 markers ni Collin Sexton.
Nagposte naman si big man Enes Kanter ng double-double sa kanyang tinapos na 20 points at 10 rebounds sa panig ng New York, samantalang umiskor rin si Tim Hardaway Jr. ng 20 markers.
Bumangon ang Cavaliers mula sa naunang kabiguan sa Milwaukee Bucks para ipalasap sa Knicks ang pang-limang sunod na kamalasan.
Sa Oakland, California, naglista si playmaker Kyle Lowry ng 23 points at 12 assists para pangunahan ang Toronto Raptors sa 113-93 paggitla sa Golden State Warriors bagama’t hindi naglaro si leading scorer Kawhi Leonard.
Kumolekta si Serge Ibaka ng 20 points para kumpletuhin ng Raptors ang season sweep laban sa Warriors.
Umiskor si Danny Green ng 15 points kasunod ang 13 at 10 markers nina Pascal Siakam at Fred VanVleet para sa NBA-best 23-7 record ng Toronto.
Nagpasabog si Kevin Durant ng 30 points bukod pa ang 7 rebounds at 5 assists para sa Golden State.
Sa Salt Lake City, tumipa si guard Donovan Mitchell ng 21 points at nagdagdag si Derrick Favors ng 17 markers para ihatid ang Utah Jazz sa 111-84 pananaig laban sa Miami Heat.
Humakot si center Rudy Gobert ng 10 points at 11 rebounds at tumapos si Kyle Korver na may 16 points mula sa apat niyang 3-pointers para sa Jazz, nakabawi mula sa naunang 100-102 kabiguan sa Heat.
Binanderahan ni Rodney McGruder ang Miami sa kanyang 16 points kasunod ang 14 markers ni Kelly Olynyk.
Naglaro ang Heat na wala sina starters Hassan Whiteside at Goran Dragic.