MANILA, Philippines – Itinulak ng NLEX ang mga beterano nitong manlalaro na sina Alex Mallari at Dave Marcelo papuntang Phoenix kapalit ang fourth overall pick nito sa paparating na 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Governors’ Cup Annual Rookie Draft sa Linggo.
Kasama rin sa usapan ang second round pick ng Fuel Masters sa 2019 na mapupunta sa Road Warriors.
Kinumpirma na ni head coach Louie Alas ng Fuel Masters ang naturang transaction na hinihintay na lamang ang pag-apruba ng Office of the Commissioner Willie Marcial.
Ito ang pinakamalaking pre-draft deal ngayong taon, ilang araw bago maganap ang mismong draft day sa Linggo sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila.
Bunsod nito, dalawa na ang picks ng NLEX sa naturang draft dahil pagmamay-ari din nila ang seventh overall pick.
Inaasahang gagamitin ni Guiao ang dalawang picks upang mapalakas ang frontcourt nito na siyang kahinaan ng Road Warriors dahil may solidong backcourt na sa katauhan nina Kevin Alas at 2017 second overall pick na si Kiefer Ravena.
Matunog na fourth pick ang natatanging big man ngayong draft na si 6’6 Abu Tratter mula sa De La Salle University na hangarin din sanang makuha ng Phoenix bago ipalit ang naturang fourth pick sa NLEX.
Dahil sa fourth pick, may tsansa ang NLEX ngayon na makakuha pa ng isang solidong pick sa seventh na lalong magpapalakas sa naisin nilang makabalik sa Finals matapos ang unang appearance noong 2018 PBA Philippine Cup.
Sa kabilang banda, kuntento ang Phoenix sa nakuha nitong dalawang manlalaro na ayon kay Alas ay siyang hinahanap nila.
Sinabi ni Alas na hanap ng Fuel Masters ang point guard at big man sa draft na nakuha na nila sa isang deal lang sa katauhan nina Mallari at Marcelo.