MANILA, Philippines — Namumuno ang dinastiya ng Creamline matapos masungkit ang ikalawang sunod na korona sa Premier Volleyball League Season 2 Open Conference kamakalawa nang kanilang ma-sweep ang best-of-three championship series kontra sa Ateneo Lady Eagles.
Naitala ng Creamline ang 25-17, 25-10, 25-15 panalo sa Game One, habang hindi na nila pinaporma pa ang Ateneo makaraang kubrahin ang 25-20, 25-20, 25-15 demolisyon sa Katipunan-based team sa Game Two.
Malaking dahilan ng pag-akyat ng Cool Smashers sa tuktok ang dynamic duo na sina outside hitter Alyssa Valdez at playmaker Jia Morado.
Nasungkit ni Valdez ang Season MVP at Best Outside Hitter awards at pinangalanang Finals MVP at Best Setter si Morado.
Hindi rin matatawaran ang kontribusyon nina Michele Gumabao, Jema Galanza, Risa Sato at Maria Paulina Soriano na tunay na maaasahan sa oras na kailangan ng puntos ng Creamline.
Minanduhan naman ni libero Melissa Gohing ng floor defense para mas mapadali ang setting chores ni Morado ngunit numero unong dahilan para maabot ng Cool Smashers ang tugatog ng tagumpay ay ang Thai head coach na si Tai Bundit.
Inialay ng Creamline family ang Open Conference title para kay Bundit na nakatakda nang lisanin ang tropa upang bumalik sa Bangkok, Thailand para pagtuunan ng pansin ang kanyang pamilya.