MANILA, Philippines — Hindi minamaliit ni Hall of Fame trainer Freddie Roach ang kakayahan ni Adrien Broner ngunit kumpiyansa siyang rarapiduhin ni Manny Pacquiao ang American challenger.
“Manny will kill Broner,” wika ni Roach sa panayam ng ABS-CBN. “You can bet your house on it. Broner tries to fight like (Floyd) Mayweather but he’s nowhere near the skill level. He even uses the shoulder-roll.”
Itataya ni Pacquiao (60-7-2, 39 KOs) ang kanyang suot na World Boxing Association welterweight crown laban kay Broner (33-3-1, 24 KOs) sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Para paghandaan ang 29-anyos na si Broner ay muling tinapik ng 39-anyos na si Pacquiao si Roach para tumayong training supervisor, habang patuloy na magsisilbi ang kababatang si Buboy Fernandez bilang chief trainer.
Sinabi ng 58-anyos na si Roach na handa siyang tanggapin ang anumang trabahong ibibigay sa kanya ng Filipino world eight-division champion.
“I’ll be ready to do whatever Manny wants me to do,” wika ni Roach, inilalag ni Pacquiao matapos matalo kay Jeff Horn noong nakaraang taon at hinirang si Fernandez bilang bago niyang chief trainer.
Nagresulta ito sa seventh-round TKO win ni Pacquiao laban kay Lucas Matthysse, ang dating may hawak ng WBA welterweight belt, noong Hulyo sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sa Disyembre 22 ay inaasahang bibiyahe ang Team Pacquiao para magsanay sa Wild Card Boxing Gym ni Roach sa Hollywood, California. “It’s not a long training period for Manny, like eight weeks in total,” wika ni Roach. “We’re rushing it but Manny will be fine.”