^

PM Sports

Gilas Pilipinas o Team Pilipinas laban! puso!

Andrew Dimasalang - Pang-masa
Gilas Pilipinas o Team Pilipinas laban! puso!

MANILA, Philippines — Hellas para sa Greece. Melli para sa Iran. Akatsuki para sa Japan. Boomers para sa Australia. Tall Blacks para sa New Zealand.

 

Ilan lamang ‘yan sa ‘monicker’ na gamit ng ibang bansa upang maging representasyon o pagkakakilanlan ng kanilang mga men’s national basketball teams.

Sa kampo ng Pilipinas, naging prominente sa nakalipas na dekada ang ‘GILAS PILIPINAS’ na siyang kumatawan sa Philippine basketball buhat noong 2010 nang ilunsad ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa pangunguna ni Chairman Manny V. Pangilinan ang ‘Smart Gilas Pilipinas’ basketball program.

Kaiba ito sa regular na katawagang RP Team o Philippine team lamang na gamit ng mga dating national teams lalo na sa golden age ng Philippine basketball noong 1930’s hanggang 1990’s na kinatampukan ng sangkatutak na medalya sa World Championship (FIBA World Cup ngayon), Olympics, Asian Games at (Asian Basketball Confederation (ABC) Championship (FIBA Asia Championship ngayon).

Sa ilalim ng iba’t ibang head coaches tulad nina Rajko Toroman, Chot Reyes at Tab Baldwin, nagbunga ang Gilas Pilipinas program ng magkakahalong mga resulta sa FIBA Asia Championship, Asian Games, William Jones Cup at Southeast Asian Games.

Pinakataluktok ng programang ito ang pagbabalik ng Pilipinas sa prestihiyosong FIBA World Cup noong 2014 sa unang pagkakataon sa loob ng 36 taon matapos mag-uwi ng pilak na medalya sa 2013 FIBA Asia Championship na dito ginanap sa bansa.

Ang tagumpay na iyon ang nagtatak muli sa Pilipinas sa mapa ng world basketball at patuloy na nagawa ito sa mga sumunod na taon nang pumangalawa ulit sa 2015 FIBA Asia Championship, mapasali sa 2016 FIBA Olympic Qualifying Tournament, magwagi sa Jones Cup noong 2016, pagharian ang 2015 at 2017 SEA Games at makapasok din sa 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers — lahat ay indikasyon ng ‘di matatawarang husay ng Gilas program.

Subalit nadiskaril ang tuluy-tuloy na tagumpay na iyon ng Gilas nitong  Hulyo lang nang bagyuhin ng hindi malilimutang pangyayari.

Naglalaro noon sa third window ng Asian Qualifiers kontra sa da-yong Australia sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan, nasangkot ang Gilas sa marahil ay pinakamalaking kontro-bersiya sa international basketball.

Sumiklab ang ma-laking rambol sa court na kinatampukan pa ng ibang fans na siyang nagresulta sa tumataginting na P250, 000 Swiss francs (P13.37 milyon) na multa, suspensyon ng 10 manlalaro at pagkakalagay ng bansa sa probationary period sa loob ng 2 taon.

Nagbigay daan ito sa bagong simula sa Gilas nang magbuo ng bagong koponan ang SBP sa tulong ng Philippine Basketball Association (PBA) at napili nga si NLEX mentor Yeng Guiao na pinakabagong coach ng Nationals.

Ginabayan ni Guiao sa ikalimang puwestong pagtatapos ang Gilas sa 18th Asian Games. Iyon ang pinakamagandang posisyon ng bansa sa loob ng 12 taon o buhat nang pumanglima rin noong 2006 Asiad sa Doha, Qatar.

Dahil sa magagandang kampanya na ito, umugong ang panawagan na panahon na aniya upang kalimutan na ng bansa ang dating moniker na Gilas lalo’t masama ang naging representasyon nito bunsod ng rambol. Ayon sa kanila, mangyaring ibalik na lamang sa simpleng PILIPINAS ang pambansang koponan.

Sinegundahan ito ng pinakamatandang national team player sa bansa na si Asi Taulava.

 “First of all, I want to correct that: This is coach Yeng Guiao’s time. You know ‘Gilas’ (Pilipinas), that’s in the past,” anang 45-anyos na si Taulava na naglalaro sa Pilipinas simula pa noong 2002. It’s time to change the image of Philippine basketball. Under coach Yeng, we want to be known as ‘Team Pilipinas.

Umani ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens sa pagsabing hindi makatarungan na itapon na lamang basta ang Gilas na siyang nagbalik sa kontensyon sa Philippine basketball sa kabila ng isang pagkakamali nitong makisali sa rambol.

Para naman kay Guiao na inaming wala siyang personal na alam sa pagpapalit ng pangalan, hindi na mahalaga kung anong pangalan ng koponan: “Sa akin it does not matter. If they want to call us Gilas, I’m ok. They want to call us Team Philippines (Team Pilipinas), I’m ok.”

Kung tutuusin, hindi naman dapat isyu ang pangalan o monicker ng isang basketball team tulad na lamang ng Team USA na walang ibang dagdag na alyas subalit matagumpay pa ring nagdodomina sa mundo ng basketball. Hindi rin naman masamang alalahanin at parangalan ang Gilas na siyang nagbalik sa bansa sa world basketball map.

Ayon nga sa ‘The Living Legend’ na si Robert Jaworski Sr., sa pinakabagong panayam, ang tanging mahalaga lamang na bagay sa paglalaro sa national team ay ang siyam na letrang nakasulat sa harap ng kanilang uniporme: PILIPINAS.

Sa paglubog ng araw, anumang katawagan sa Nationals – Gilas Pilipinas, Team Pilipinas, RP Team, Philippine team – ay palamuti na lamang sapagkat pare-pareho lamang nitong kinakatawan ang bawat Pilipino.

Iisa lang naman ang nirerepresenta nito at iyon ang Pilipinas na pasasaan din ay sisibol muli ang bagong araw ng pag-asa sa mundo ng basketball anuman ang alyas nitong dala.

GILAS PILIPINAS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with