MANILA, Philippines — Sinisiguro ni MVP Bright Akhuetie na hindi ma-dedehado ang University of the Philippines Fighting Maroons sa rebound department sa Game 2 bukas ng best-of-three Finals series sa Season 81 UAAP Men’s Finals sa Smart Araneta Coliseum.
Sa kanyang post sa Twitter, nangako ang Nigerian center ng UP na maglalaro pa rin siya kahit sa natamong minor left knee injury sa Game 1 noong Sabado.
“I’ll be back in time for game 2 #16Strong #UPFIGHT,” sabi ng 6’6 Nigerian center na si Akhuetie sa kanyang post sa Twitter account, @brightbigtinzz.
Ayon naman kay UP coach Bo Perasol na kahit sa sinasabi ng Doctor na minor injury lamang ang natamo ni Akhuetie, inilagay pa rin niya ang UP big man sa tinatawag na “game time decision.”
Opisyal na ring tatanggapin ng dating Perpetual Help Altas center na si Akhuetie ang MVP (Most Valuable Player) trophy sa season na ito bago mag-umpisa ang laro bukas.
“We’re assessing him on a day-to-day basis. Scheduled for therapy in the next couple of days. Game time decision. The doctor said no major injury,” pahayag ni UP coach Bo Perasol.
Nagkaroon ng hyper-extended left knee injury si Akuetie mahigit 6:31 pa ang nalalabi sa ikatlong yugto matapos ang kaunting tulak ni Ateneo center Angelo Kouame kaya inilabas siya sa laro sa pamamagitan ng stretcher.
“Siyempre pag wala si Bright kasi sa court, parang hindi namin makukuha yung rebounds. Nakita naman sa stats na marami silang offensive rebounds noong nawala si Bright. Kaya malaking kawalan talaga pag mawala si Bright sa amin,” sabi ni Jun Manzo.
Bumalik pa siya sa laro, mahigit pitong minuto pa ang nalalabi sa fourth period at tumapos ng 10 puntos, tatlong steals at limang rebounds sa kanilang 79-88 talo sa Ateneo bunga ng 0-1 disadvantage sa serye.