Guiao inako ang responsibilidad sa kabiguan ng Team Philippines sa Kazakhstan

MANILA, Philippines — Inako ni national coach Yeng Guiao ang responsibilidad matapos matalo ang Team Pilipinas sa Kazakhstan sa fifth window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers kamakalawa sa Mall of Asia Arena.
Dahil nasa homecourt, paborito ang Nationals na magwagi kontra sa mga Kazakhs subalit nakalasap ng 88-92 pagkatalo na siyang nagpalabo sa tsansang makasiguro ng tiket sa FIBA World Cup na gaganapin sa China sa susunod na taon.
Kung nanalo ay aangat sana sa 6-3 ang baraha ng Team Pilipinas at makakasalo sa ikalawang puwesto ang Iran sa Group F.
Ngunit ngayon ay bumaba sa 5-4 ang kartada ng Nationals katabla ng Japan sa ikaapat na puwesto na siyang nagpadelikado sa kanilang posisyon dahil tatlong koponan lamang ang papasok sa World Cup.
“I’m taking the responsibility for this team. I felt that everybody in this team was there and I was the one who decided for them to be there,” wika ni Guiao. “We were mismatched in terms of quickness especially with our big men.”
Kontra sa mas maliit na Kazakhstan, nagparada ng higanteng roster si Guiao sa pangunguna nina June Mar Fajardo, Greg Slaughter, Japeth Aguilar at JP Erram.
Subalit hindi ito pumabor sa Team Pilipinas dahil dinaig sila ng mas mabilis at mas tirador na Kazakhstan team sa pangunguna nina Alexandr Zhigulin at Anton Bykov na kumamada ng 30 at 20 points, ayon sa pagkakasunod.
“Our problem was their bigs were the ones making the threes. Our bigs could not extend out and challenge those threes,” dagdag ni Guiao sa Kazakhstan na nagbuslo ng 52 percent shooting sa 3-point line.
Sa kabila nito, hindi naman nawawalan ng pag-asa si Guiao na makakabawi sila sa krusyal na harapan kontra sa Iran bukas sa MOA Arena pa rin gaganapin.
“Of course we’re disappointed but we still have one game on Monday,” ani Guiao.
“We can’t feel too negative about ourselves. I think we can salvage the situation if we can play a good game against Iran and learn the lessons from this game.”
Inaasahang magkakaroon ng pagbabago sa line-up ng Nationals kontra sa mga Iranians dahil puwede nang maglaro sina Jayson Castro at Troy Rosario matapos gugulin ang three-game suspension, habang sasalang din si Christian Standhardinger bilang naturalized player ng koponan kapalit ni Stanley Pringle.
- Latest