Blue Eagles, Fighting Maroons sisimulan ang title series
MANILA, Philippines — Target ng Ateneo Blue Eagles ang pang-10 titulo, habang asam naman ng University of the Philippines Fighting Maroons ang ikalawang korona sa kanilang best-of-three championship series na tinaguriang “Battle of Katipunan” sa Season 81 UAAP men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Dahil sa malaking agwat sa kanilang match-up sa nakalipas na 15 taon kung saan nagwagi ang UP ng tatlong beses sa 30 paghaharap ay paborito ang Blue Eagles laban sa Fighting Maroons sa Game One ngayong alas-3:30 ng hapon.
Sa kanilang dalawang beses na pagtatagpo sa eliminasyon ay winalis ng Blue Eagles ang Fighting Maroons, ang una ay 87-79 sa first round noong Sept. 12 at sinundan ng 83-66 sa second round noong Oktubre 14.
Inaasahang magbabago ang laro kung mauulit ng Fighting Maroons ang kanilang pagpapatalsik sa No. 2 Adamson Soaring Falcons sa kanilang semis battle.
Kapwa inamin nina coaches Tab Baldwin ng Ateneo at Bo Perasol ng UP ang kahalagahan ng Game One upang maibaba sa ‘twice-to-beat’ na lamang ang natitirang bahagi ng serye.
“Make no mistake about it, we are going for the title. Wala sa isip namin ‘yung malakas sila or mahina kami na we’re happy na where we are now. No, we will be there to compete, we are going to be there to win it. I don’t know what the results would be, but we will be there with the intention of winning,” sabi ni Perasol.
Tinutukoy ni Perasol ang kanilang laban sa semifinals kung saan 0-2 din sila sa Adamson kaya dahil doon ay mas lalong lumakas ang loob ng Fighting Maroons.
“We’re slowly learning about ourselves. Parang if you truly believe with what you can do, parang you’ll be amazed at how better you are than what you seek for yourself. You are better than how you see yourself,” dagdag ni Perasol.
Bukod sa pagpasok sa Final Four sa unang pagkakataon simula noong 1997 ay nasa kanilang unang UAAP Finals stint din ang UP sapul noong 1986.
Malaki ring bahagi ng Fighting Maroons ang pagsungkit ni Nigerian big man Bright Akhuetie sa unang UAAP MVP trophy ng Fighting Maroons sapul noong 1969.
Matapos namang pumasok sa UAAP Finals sa ika-14 beses, malakas ang tiwala ng Ateneo na masusungkit ang ikaapat na back-to-back championship crown sa liga.