MANILA, Philippines — Kumonekta si Paul Desiderio ng jumper sa huling 6.6 segundo upang itakas ang 89-87 overtime win ng University of the Philippines Fighting Maroons laban sa Adamson Soaring Falcons kahapon sa do-or-die battle ng Season 81 UAAP basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Hindi iniinda ng graduating player na si Desiderio ang mahabang kamay ni Sean Manganti para malusutan ng Fighting Maroons sa ikala-wang sunod ang second seed na Soaring Falcons at pumasok sa Finals sa unang pagkakataon si-mula noong 1986.
Tangan ang twice-to-beat disadvantage pagkaraan sa elimination round, sinundan ng Diliman-based team ang kanilang 73-71 panalo sa Game 1 ng semis noong Sabado para walisin ang Soaring Falcons, 2-0 at makuha ang ikalawang Finals berth laban sa nagdedepensang Ateneo Blue Eagles sa best-of-three showdown simula sa Sabado.
“This team is going to fight no matter what. I told mysely that if I can not stand for my team, if i can’t believe in my team then who? So I keep on believing because I know we can deliver the victory,” sabi ni UP coach Bo Perasol.
Lumamang pa ang Soaring Falcons, 84-78 mahigit 2:40 minuto na lamang ang natitira, ngunit hindi sumuko sina Juan Gomez de Liaño, Desiderio at Diego Dario at nagpakawala ng 11-3 run para masungkit ang malaking panalo.
Umiskor si Juan Gomez de Liaño ng career-high na 30 puntos, anim na rebounds at dalawang assists habang tumapos si Desiderio ng 16 puntos, 11 rebounds, dalawang assists at apat na steals para tapusin na ang mahabang 32 taon na pagkauhaw ng UP sa Finals.
Tumulong din ng 13 puntos at 17 rebounds at walong puntos na may kasamang isang rebound at isang assist mula kay Javi Gomez de Liaño at tig-anim naman sina Jerson Prado at Frederick Tungcab para sa UP.
Pinangunahan ni Jerrick Ahanmisi ang A-damson sa kanyang 20 puntos.