MANILA, Philippines — Kapwa tinalo nina heavyweight champion Brandon ‘The Truth’ Vera at lighweight titlist Eduard ‘Landslide’ Folayang ang kanilang mga kalaban sa harap ng mga nagdiwang na Pinoy fans sa “Conquest of Champions” ng ONE Championship sa Mall of Asia Arena sa Pasay City noong Biyernes ng gabi.
Pinatumba ni Vera si Italian challenger Mauro ‘The Hammer’ Cerilli sa unang isang minuto at limang segundo sa first round para mapanatiling suot ang heavyweight crown.
Isang matulis na counter left hook ang naikonekta ng 41-anyos na si Vera (16-7) para pabagsakin si Cerilli (12-5).
Itinigil ni referee Olivier Coste ang pagrapido ng Fil-American sa Italian challenger.
Sinabi ni Vera na palagi niyang pinapanood ang mga nakaraang laban ni Cerilli para planuhin ang kanyang estratehiya.
“I’ve been watching Mauro’s tapes every night. Even as I sleep, I watch him train. I watch him fight. I watch everything he does. I know he swings hard,” ani Vera.
“He did punch me in the mouth and it hurt, and then when he fell down, I was pretty surprised. So I’m glad I got that left hook in and dropped him with it,” dagdag pa nito.
Samantala, muli namang napasakamay ni Folayang (21-6) ang ONE lightweight title matapos ang isang unanimous decision win laban kay Amir Khan ng Singapore.
Nauna nang naisuko ni Folayang ang kanyang ONE lightweight crown kay Martin Nguyen noong Nobyembre ng nakaraang taon.