MANILA, Philippines – Haharapin ng second seed Adamson Soaring Falcons ang third seed University of the Philippines Fighting Maroons sa Final Four ng Season 81 UAAP basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Bilang second seed, tangan ng Soaring Falcons ang twice-to-beat advantage kaya kailangan lamang nila ang isang panalo upang masungkit ang unang Finals slot habang ang Fighting Maroons ay kailangang manalo ng dalawang beses bago makapasok sa Finals.
Haharapin ng Soaring Falcons ang Fighting Maroons sa nag-iisang laro sa alas-3:30 ng hapon.
Maghaharap naman ang top seed Ateneo Blue Eagles at fourth seed Far Eastern Tamaraws sa isa pang semis match bukas sa Araneta Coliseum.
Ang Soaring Falcons ay tumapos sa double-round elimination sa 10-4 win-loss kartada sa likuran ng nagdedepensang Ateneo Blue Eagles (12-2) upang makopo ang ikalawang twice-to-beat advantage.
Nagsosyo naman ang Fighting Maroons, Far Eastern University at De La Salle sa parehong 8-6 card ngunit nasungkit ng UP ang ikatlong Final Four berth bunga ng kanilang mataas na quotient.
Pumasok ang UP sa Final Four sa unang pagkakataon sapul noong 1997 kaya hangad nga-yon ni coach Bo Perasol na palawakin pa ang kanilang misyon hanggang sa Finals.
“Sometimes, you doubt yourself, tao lang tayo eh, but I have to be an example of confidence at what we’ve put it. Mararamdaman natin ang pressure, but you need to go through that para ma-achieve mo ‘yung gusto mo,” sabi ni Perasol.
Tiyak na pangungunahan ang tropa ni Perasol ni Nigerian Bright Akhuetie, ang unang MVP mula sa UP sa loob ng 32 taon at Mythical 5 member na si Juan Gomez de Liaño, top shooter Paul Desiderio, Jun Manzo at Diego Dario.
Sa panig naman ni coach Franz Pumaren ay sina Jerrick Ahanmisi na kabilang din sa Mythical 5 sa taong ito, Sean Manganti, Papi Sarr, Jerie Pingoy, Jerom Lastimosa, Simon Camacho, Jonathan Espeleta at Vince Magbuhos ang aasahan.
Nagwagi ang Adamson sa UP sa dalawang beses nilang pagtatagpo sa elimination round, ang una ay 69-68, noong Sept. 26 at ang ikalawa ay 80-72 noong Oct. 28.