UP Maroons Final 4 na
MANILA, Philippines — Pagkatapos ng mahabang 19 taon, nakapasok ang University of the Philippines Fighting Maroons sa Final Four matapos patumbahin ang De La Salle Green Archers sa ikalawang pagkakataon, 97-81 kahapon sa pagpapatuloy ng Season 81 UAAP basketball tournament sa MOA Arena sa Pasay City.
Sa panalo ng Diliman-based team, ang Fighting Maroons at Green Archers ay tumapos sa elimination round sa parehong 8-6 win-loss kartada, ngunit umangat ang Fighting Maroons dahil na-sweep nila ang Taft-based na DLSU sa double-round eliminations kaya nasungkit nila ang ikatlong semis slot.
Kung magwawagi ang Far Eastern University Tamaraws (7-6) laban sa pumapangalawang Adamson Soaring Falcons (10-3) sa huling laro ng eliminations sa Linggo, magkakaroon pa ng three-way tie mula sa third spot hanggang sa fifth spot sa pagitan ng UP, DLSU at FEU sa parehong 8-6 slate.
Pero makukuha pa rin ng Fighting Maroons ang ikatlong puwesto dahil sa superior quotient habang ang Green Archers at Tamaraws ay maghaharap sa playoff para sa huling semis slot kung saan ang mananalo ay haharap sa top seed na Ateneo Blue Eagles sa semis.
Kung mabibigo ang FEU sa Adamson sa Linggo, babagsak sila at makukuha ng DLSU ang huling Final Four berth.
Nagwagi rin ang Fighting Maroons laban sa Green Archers, 67-61 sa first round ng elimination noong Sept. 30 tungo sa kanilang unang pagpasok sa Final Four simula noong 1997.
Sa unang laro, mu-ling tinambakan ng nagdedepensang Ateneo Blue Eagles ang University of Santo Tomas Growling Tigers, 106-62, upang ipakita ang kanilang kahandaan sa Final Four na magsisimula na sa susunod na linggo.
Umani ang Ivorian 6’10 center Angelo Kouame ng 22 puntos, siyam na rebounds at dalawang steals habang si William Navarro ay tumulong ng 17 puntos.
- Latest