MANILA, Philippines – Impresibong panalo ang ipinakita ng mga dehadong kabayo na Thundering Hill na sinakyan ni jockey Lester De Jesus at Mighty Maton na nirendahan ni jockey CS Pare kamakalawa sa San Lazaro Leisure and Business Park sa Carmona, Cavite.
Nanalo ang Thundering Hill sa unang karera kung saan lumabas na pinakadehado ito sa bentahan.
Sa nasabing karera ay wala nang pinaporma ang tambalang Thundering Hill at si De Jesus nang kunin agad nila ang unahan paglabas ng aparato at tuluyang tinapos ang karera na may tatlong katawang agwat laban sa nasegundong Directorshunterkee.
Nagbigay ang Forecast ng tamang P922.00 sa kada isang ticket para sa nanalong kumbinasyon na 10-5 habang P5,563.00 naman ang naging dibidendo ng Trifecta para sa kumbinasyon na 10-5-7.
Nagkaroon din ng Carry-Over para sa mga tumataya ng Pentafecta at Super-Six dahil walang nakakuha sa lumabas na kumbinasyong 10-5-7-8-4-9 habang 21,581 nalang ang natirang Live Tickets sa Winner Take All na bumenta ng mahigit 3.6 milyon.
Nanalo naman ang tambalang Mighty Maton at jockey CS Pare sa ika-anim na karera kung saan tinalo nila ang Super Mega Oustanding Favorite na El Camino Real.
Halagang P289.50 ang naging dibidendo sa Forecast para sa nanalong kumbinasyon na 6-5 habang P4,985.80 naman ang tinamaan ng mga nakakuha ng nanalong kumbinasyon na 6-5-7 para sa Trifecta.
Nagkaroon din ng Carry-Over para sa mga Exotic Betting Option na Quartet, Pentafecta at Super-Six habang tumataginting na P136,378.40 ang naging dibidendo ng Winner Take All para sa nanalong kumbinasyon nito na 10-8-1-4-5-6-7.