Adamson sure na sa Final 4
MANILA, Philippines — Nagtulung-tulong sina Sean Manganti at Simon Camacho para iangat ang Adamson Soaring Falcons sa 96-83 panalo kontra sa University of Santo Tomas Growling Tigers at pormal na pumasok sa Final Four kahapon sa pagpapatuloy ng Season 81 UAAP basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Umani si Manganti ng 22 puntos, pitong rebounds, apat na assists at dalawang steals habang si Camacho ay tumulong ng 15 puntos, dalawang rebounds, dalawang assists, tatlong steals at isang blocks para masungkit ang pang-siyam na panalo sa 12 laro at sumunod sa nagdedepensang Ateneo Blue Eagles sa semis.
Lumalakas din ang pag-asa ng Soaring Falcons na makopo ang isa sa dalawang twice-to-beat advantage habang ang Growling Tigers ay bumaba sa 5-7 win-loss kartada at kailangan na nilang manalo sa huling dalawang laro para manatiling buhay ang pag-asa sa semis berth.
“If you look at the game we were playing tight in the first half, but when we settled down, we were able to dispose of a very good team. Well, of course, we are happy to reach the Final Four, but we’ve been doing that for the last two years. Hopefully, we can improve our finish this year,” sabi ni Adamson coach Franz Pumaren.
Matapos maiwanan, 39-40, sa first half, umarangkada sina Manganti, Jerrick Ahanmisi at Camacho ng 15-0 run para makuha ang bentahe, 54-40 at mapanatili ang kalamangan, 70-58 sa pagbukas ng fourth period.
Tumulong din ng 13 puntos, tatlong rebounds at tatlong assists si Ahanmisi upang makabawi sa kanilang 48-62 pagkatalo sa Ateneo noong Linggo.
Sa ibang laro, sinibak ng De La Salle Green Archers sa kontensiyon ang National University Bulldogs sa kanilang , 84-77 panalo upang umangat sa 8-4 record.
Nag-ambag ng kabuuang 44 puntos sina Santi Santillan, Aljun Melecio at Andrei Caracut para manatiling buhay ang asam ng Green Archers na twice-to-beat advantage sa semifinal round.
- Latest