Adamson tangka ang semis

MANILA, Philippines — Matapos mabigo sa nakaraang laro, asam ngayon ng Adamson Falcons ang pormal entry sa semis sa pagharap sa UST Tigers habang target ng DLSU Green Archers ang pang-walong panalo sa pagtatagpo kontra sa NU Bulldogs sa pagpapatuloy sa Season 81 UAAP basketball tournament  sa Araneta Coliseum.

Tangan ang 8-3 win-loss kartada, haharapin ng pumapangalawang Soaring Falcons ang University of Santo Tomas Growling Tigers sa alas-2 ng hapon at susundan agad sa laro ng De La Salle Green Archers at National University Bulldogs sa alas-4 ng hapon.

Kung mananalo ang Soaring Falcons, susunod na sila sa nangunguna at nagdedepensang Ateneo Blue Eagles sa Final Four dahil hindi na sila maaabutan pa ng nagsosyohan sa pang-apat na puwesto na UP Fighting Maroons (6-6), Far Eastern University Tamaraws (6-6) at ang nasa solo sixth spot UST Growling Tigers (5-6).

Nauna ng pumasok sa semifinal round ang Ateneo Blue Eagles sa kanilang 10-2 win-loss kartada. Lahat ng koponan maliban lamang sa na-ngungulelat na University of the East Red Warriors (1-11) ay may-pag-asa pang makapasok sa susunod na round.

Galing ang Soaring Falcons sa 48-62 talo sa Ateneo noong Linggo, kaya kailangan nilang manalo para masungkit ang pang-siyam na panalo. Sa nga-yon nakasiguro na rin ng playoff para sa huling semis berth ang tropa ni coach Franz Pumaren.

Sa una nilang pagtatagpo, nagwagi ang Soaring Falcons, 79-71 noong Sept. 22 kung saan umani si Jerrick Ahanmisi ng 20 puntos, dalawang rebounds at dalawang assists habang si Vince Magbuhos ay tumulong ng 15 puntos at 12 naman mula kay Jonathan Espeleta.

Sa ibang laro, malakas naman ang tiwala ng pumapangatlong Green Archers na kaya nilang ulitin ang 80-76 panalo sa Bulldogs sa first round ng elimination noong Sept. 19.

Ang laro laban sa Green Archers ay ‘must win’ sitwasyon din para sa Bulldogs na mayroon lamang 3-8 slate. Kung mabigo ang NU ni coach Jamike Jarin, tapos na rin ang kanilang pag-asang pumasok sa semis.

Show comments