MANILA, Philippines — Lalong numipis ang frontcourt ng Rain or Shine sa pagsagupa sa NLEX sa pagtatapos ng kanilang kampanya sa 2018 PBA Governors’ Cup ngayon.
Ito ay dahil sa maagang pag-alis ni import Terrence Watson pabalik sa Amerika para sa personal na dahilan.
Ayon kay Elasto Painters coach Caloy Garcia, pinayagan na nilang umalis si Watson upang samahan ang asawa na nanganak kamakailan.
Nagrehistro si Watson ng mga averages na 15.75 points, 11.88 rebounds at 1.88 assists sa walong laro para sa Rain or Shine na nagresulta sa kanilang 2-6 kartada.
May kabuuang 2-8 baraha ngayon ang Elasto Painters at tanggal na sa kontensyon ngunit susubok pa rin na makasukbit ng panalo kahit pa lalong naging pilay ang kanilang line-up.
Dumagdag kasi si Watson kina Beau Belga at Raymond Almazan na hindi naglalaro sa Rain or Shine.
Nagtamo ng plantar fascitis na injury si Belga, habang si Almazan ay isisilbi ang kanyang suspensyon sa natitirang bahagi ng torneo.
Magbabalik sina Belga at Almazan sa Rain or Shine sa susunod na season.