MANILA, Philippines — Hindi mga regular na atleta ang sumasabak sa Indigenous Peoples Games.
Sa katunayan ay mga ordinaryong mamamayan lamang ang nakita sa aksyon sa ikaapat na edisyon ng IP Games kahapon sa Balakbak Elementary School sa Kapangan, Benguet.
Isang beautician, isang magsasaka at isang obrero ang nagbulsa ng gold medal sa kanilang mga nilahukang katutubong laro.
“Hindi naman kami talagang athlete, kaya masaya na kami na manalo,” sabi ng 31-anyos na beautician na si Joy Cosalan, may dalawang anak, na nakipagtambal sa magsasakang si Regie Baon ng Barangay Labueg para manaig sa larong sanggol (open category).
“Parang bumalik kami sa pagkabata na nilalaro ulit namin ‘yung mga kagaya ng larong sanggol na hindi na yata alam ng mga kabataan,” wika naman ng 30-anyos na si Baon.
Binigo nina Cosalan at Baon para sa gold medal sina Abner Os-osa at Febralin Orden ng Brgy. Beleng-Belis.
Ang Philippine Sports Commission ay naghanda ng cash incentive na P1,000 para sa gold medal winner at P800 at P500 para sa silver at bronze medalists, habang sa team event ay tatanggap ang gold, silver at bronze medal winners ng P1,500, P1,300 at P800, ayon sa pagkakasunod.
Nagsubi din ng gintong medalya sa nasabing three-day event sina Chris Bolistis, Jener Sagayo at Octavio Copere sa larong Dama para sa Brgy. Balakbak, habang nanaig si Marfil Dip-as sa sidking aparador.
Naghari naman sa larong pakwel (bunong binti) ang 25-anyos na obrerong si Melver Coilan, samantalang nanguna si Zyra Mae Bulaga sa sungka para sa Brgy. Cayapes.
Sumingil din ng gintong medalya ang Brgy. Gaswiling sa patintero (high school) matapos talunin ang Brgy. Pudong at Brgy. Gadang.
Ang iba pang pinaglalabanan hanggang kahapon para sa gintong medalya ay ang mga katutubong laro na kadang-kadang, duck walk at prisoner’s base.