Nakabalik na si Jason Castro

Jason Castro

MANILA, Philippines — Matapos ang higit isang buwan ay nagbalik na sa wakas si Jayson Castro para sa Talk ‘N Text na ngayon ay nanganganib ang kampanya sa idinaraos na 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Governors’ Cup.

Ito ang unang laro ni Castro buhat nang sumailalim sa bone spur removal operation sa kanyang kanang paa bago ang laban nila kontra sa Rain or Shine noon pang Setyembre 22.

At bagama’t nagpa-kitang-gilas agad sa ibinuslong 13 puntos, limang assists, isang steal at isang tapal ay hindi na makapaghintay si Castro na makuha uli ang dati niyang bangis hindi lamang para tulungan ang Ka-Tropa kundi maging handa na rin para sa napipintong pagbabalik sa national team na Team Pilipinas.

“Masarap ulit magbasketball. Medyo nandoon na ako pero ‘yun nga, next game, hopefully makapagperform pa nang mas maganda,” ani Castro matapos mahulog ang TNT sa 4-6 baraha bunsod ng 103-116 kabiguan kontra Magnolia kamakalawa.

Kasalukuyan ding nagsisilbi si Castro ng tatlong larong suspensyon bunsod ng kinsangkutang rambol kontra sa Australia noong nakaraang Hul-yo na nagdulot sa pagkakasuspinde rin ng siyam na iba pa niyang kakampi sa pambansang koponan gayundin nina dating head coach Chot Reyes at deputy Jong Uichico.

Subalit nakatakda na itong magtapos sa Nobyembre 30 sa laban ng Team Pilipinas kontra sa Kazakhstan sa Mall of Asia Arena na ibig sabihin ay maaari na siyang bumalik sa national team sa Disyembre 3 sakto sa laban ng koponan kontra sa Iran.

“Kapag In-invite nila ako. Why not diba? Iyon naman ang lagi kong sinasabi na kapag flag and country, available naman ako lagi,” ani Castro.

Higit sa pagbabalik sa national team na ngayon ay nasa ilalim na ni head coach Yeng Guiao, mas sabik ani-ya at hindi makapaghintay si Castro na maglaro para sa batikang mentor.

 

Show comments