Walang pag-uusap sa pagitan nina coach Caloy Garcia at Raymond Almazan na nag-ayos para sa pagbabalik ng huli sa kanyang koponan sa susunod na season.
Walang tanungan kung ano ang pinagsimulan ng problema, walang turuan kung ano ang problema at kung sino ang dahilan ng problema.
Basta magkasundo ang kagustuhan ni Rain or Shine team owner Raymund Yu dahil wala naman plano ang ball club na i-trade sa ibang team ang problemadong manlalaro.
Ayaw ni Yu na mag-ungkatan pa ng kung anu-anong bagay at magturuan kung sino ang may pagkukulang at may kasalanan.
“Mag-ayos kayo,” ‘yun ang simpleng desisyon ng ROS team management at inaasahan nilang tapos na ang drama at ang koponan ay muling makakaarangkada sa susunod na season.
Pero tapos na nga ba talaga ang drama sa buhay ni Almazan at magiging tunay na propesyonal sa natitirang isang taon sa kanyang kontrata sa ROS?
Sana naman! Dahil kahit ano ang pangyayari at kahit ano ang kanyang sabihin, hindi niya nakukuha ang simpatya ng tao sa kanyang pag-aalburoto.
Malamang, buwiset pa sa kanya ang kanyang mga teammates dahil naligwak ang kanilang PBA Governors’ Cup campaign at natapon ang kanilang mga potensyal na won-game bonuses.
Apektado ang lahat sa alburoto ni Almazan.
***
Sa pagsadsad ng ROS, lumutang naman ang koponang Phoenix Petroleum bilang kapalit na contender laban sa mga datihang PBA elite squads.
Nagparamdam sila na ready na sila sa playoffs sa kanilang 103-97 panalo kontra sa ROS kahit nalimitahan sa 18 points si Eugene Phelps.
“Talagang ready kami sa playoffs,” ani Calvin Abueva, ang nanguna sa local crew sa pagpapataob sa ROS.