MANILA, Philippines — Nakahirit ang mga Pinoy boxers ng isang ginto, isang pilak at isang tansong medalya sa katatapos na 39th International Tammer Boxing Tournament na ginanap sa Tampere, Finland.
Ibinigay ni Marvin Tabamo ang bukod-tanging gintong medalya ng Pilipinas sa torneo matapos paghari-an ang men’s flyweight 52 kg. category.
Naiselyo ni Tabamo ang impresibong unanimous decision win laban kay Kirill Serikov ng Estonia sa championship round upang masiguro ang ginto sa torneong nilahukan ng mahigit 100 boxers mula sa iba’t ibang bansa na karamihan ay mula sa Europa.
Nauna nang tinalo ni Tabamo si Istvan Szaka ng Hungary via unanimous decision win sa semifinals.
Nagkasya naman si Ramel Macado Jr. sa pilak na medalya nang matalo ito sa gold-medal match sa men’s light flyweight division (46-49 kg.).
Umani si Macado ng split decision loss sa kamay ni Aqeel Ahmed ng Scotland sa finals.
Nakahirit naman si Ryan Boy Moreno ng tansong medalya sa men’s bantamweight 56 kg.
Natalo si Moreno kay Enzo Grau ng France sa semifinals para magkasya sa tanso.
Nauna nang nama-alam sa kontensiyon si Sugar Rey Ocana na yumuko kay Hadi Srour ng Norway sa men’s light welterweight (64 kg.).
Ginabayan ang koponan nina Barcelona Olympics bronze medalist Roel Velasco at dating national team member Romeo Brin.