MANILA, Philippines — Sumisid agad ang Philippine Swimming League (PSL) ng pitong ginto, siyam na pilak at isang tanso sa unang araw ng bakbakan sa 2018 Tokyo Invitational Swimming Championship kahapon sa St. Mary’s International School swimming pool sa Tokyo, Japan.
Nanguna sa mainit na simula ng Pinoy tankers sina Aishel Cid Evangelista ng West Manila Christian School at Palarong Pambansa Most Bemedalled Athlete Micaela Jasmine Mojdeh ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque nagsumite ng dalawang rekord sa kani-kaniyang events.
Hindi nagpahuli si Evangelista na nanguna sa boys’ 8-under 25m freestyle sa bilis na 15.79 segundo para burahin ang 25 taong rekord na 16.16 segundo ni Olympian Miguel Molina noong 1993.
Kumana pa ng ginto si Evangelista sa 50m breaststroke sa bendisyon ng 45.50 para sa magarbong simula sa torneong nilahukan ng 22 koponan kabilang na ang China, Taiwan, England, United States at host Japan.
Umariba rin si Mojdeh nang pagreynahan nito ang girls’ 11-12 200m Individual Medley (IM) sa pamamagitan ng dalawang minuto at 28.93 segundo para wasakin ang lumang rekord na 2:32.18 ni Michelle Peterson noong 2016.
Muling umarangkada si Mojdeh matapos mangibabaw sa 100m breaststroke tangan ang 1:17.06, malayo sa dating rekord na 1:19.15.
Nagtala rin ng bagong marka si Francisco Cordero sa boys’ 11-12 100m breaststroke sa bilis na 1:11.54 na nagpalubog sa 1:11.91 na marka ni Teo Takahashi noong 2011.
Nagdagdag ng tig-isang ginto sina Richelle Ann Raine Callera (girls’ 8-under 25m freestyle, 16.39) at Phelicity Bose (gir;s’ 15-18 200m breaststroke, 2:59.45) sa kani-kaniyang events.