Elite inilusot ni Zamar

MANILA, Philippines – Tabla ang laro sa 91-91 sa natitirang 18.5 segundo matapos ang split ni two-time PBA Best Import Allen Durham ng Meralco.

Wala nang timeout ang Blackwater at wala na ring ibang opsyon si guard Paul Zamar kundi ang isalpak ang isang three-point shot.

Naikonekta ni Zamar ang kanyang game-winning triple sa nalalabing 7.9 segundo para tulungan ang Elite na matakasan ang Bolts, 94-91 sa 2018 PBA Governor’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Kaagad nakabangon ang Blackwater mula sa una nilang kabiguan para makisosyo sa liderato kahanay ang nagdedepensang Barangay Ginebra at Magnolia sa itaas ng team standings sa magkakatulad nilang 5-1 baraha.

“Great bounce-back, great win. Last seven minutes, we were losing by 10 points. It’s a game of adjustments. They adjust, we adjust,” sabi ni ooach Bong Ramos sa kanyang Elite.

Umiskor si Zamar ng 10 sa kanyang 13 points sa fourth quarter at kumamada sina import Henry Walker at Mac Belo ng 24 at 14 markers, ayon sa pagkakasunod.

Nalasap naman ng Bolts, nakakuha kay Durham ng 32 points, tampok ang 14-of-16 free throws at 21 rebounds, ang kanilang ikaapat na sunod na kamalasan.

“Galing kami sa talo last game namin, so kailangan naming mag-bounce back ngayong game,” sabi ni Belo. “Sana magtuluy-tuloy.”

Matapos ilista ng Meralco ang 10-point lead, 74-64, mula sa ikala-wang tres ni Baser Amer sa 9:13 minuto ng fourth quarter ay nagtuwang naman sina Zamar, Belo at Walker para ibigay sa Blackwater ang 91-88 bentahe sa huling 56.9 segundo.

Ang split ni Durham ang nagtabla sa Bolts sa 91-91 sa natitirang 18.5 segundo kasunod ang game-winning triple ni Zamar sa huling 7.9 segundo.

 

Show comments