MANILA, Philippines — Promoted na bilang permanenteng import mula sa pagiging standby reinforcement lamang ang bagong saltang si Kevin Murphy matapos ang magilas na debut sa San Miguel sa umiinit na 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Governors’ Cup kamakalawa sa Smart-Araneta Coliseum.
Ito ang kinumpirma ni head coach Leo Austria nang mapabilib siya ni Murphy sa kabila ng kabiguan nila sa Magnolia, 108-109 upang malasap ang ikalawang sunod nilang pagsadsad tungo sa 2-3 baraha.
“Yes (siya na ang import namin), ang ganda ng pinakita niya eh,” ani Austria sa kanyang pina-kabagong pambato. “With the kind of game na pinakita ni Kevin, I think it’s obvious na siya na ‘yung magpapatuloy and talagang si Kevin ‘yung import na hinahanap namin.”
Magugunitang nitong Huwebes lamang duma-ting sa bansa ang Tennesse Tech standout na si Murphy upang magsilbi lang sanang back-up import sa injured na reinforcement na si Arizona Reid.
Ngunit nagpasiklab agad ang 28-anyos na si Murphy nang kumamada ng muntikang triple double na 37 puntos, 10 rebounds at pitong assists sahog pa ang tig-isang steal at supalpal upang masiguro ang naturang permanent import job sa natitirang bahagi ng season-ending conference.
Kung si Austria ay natuwa sa performance ng kanyang pinakabagong import, nakulangan naman mismo si Murphy dahil para sa kanya ay walang saysay ang mga numero dahil nabigo siyang dalhin sa tagumpay ang koponan.
“I had an okay game but like I said I’m all about the victory. I’m all about winning so if we don’t win, that really don’t matter,” sabi ng dating Utah Jazz player sa National Basketball Association (NBA).
Sa kabutihang palad bagama’t may 2-3 na kartada ay may anim na laro pang nalalabi sa kampanya ng Beermen na tiwala si Murphy na maipapanalo nila lalo’t nalalapit na ang pagbabalik ng four-time Most Valuable Player na si June Mar Fajardo.
“We got six more games left I think so we’ll get it together in time. We will bounce back,” aniya.