Split draw

Ancajas nanatiling super flyweight champion
MANILA, Philippines — Hindi ito ang inaasahan ni Filipino world super flyweight king Jerwin Ancajas na makikita niya kay Mexican challenger Alejandro Santiago.
Nauwi sa split draw ang bakbakan nina Ancajas (30-1-2, 20 knockouts) at Santiago (16-2-5, 7 KOs) kahapon sa Oracle Arena sa Oakland, California.
Nabigyan si Ancajas ng 116-112 points mula kay judge Micahel Tate, habang nakakuha si Santiago ng 118-111 kay judge Marshall Walker at nakita ni judge Chris Wilson ang laban sa 114-114.
Napanatiling suot ng tubong Panabo City, Davao Del Norte ang kanyang International Boxing Federation (IBF) super flyweight crown.
“Medyo wala ako sa timing,” pag-amin ni Ancajas. “Iba ang ikinilos niya. Hindi ko rin siya masyadong mahuli.”
Inangkin ng 26-anyos na si Ancajas ang first hanggang third round, habang nakabawi naman ang 22-anyos na si Santiago sa fourth at fifth round.
Sa round 11 ay namaga na ang kanang mata ni Ancajas hanggang makipagsabayan kay Santiago sa round 12.
Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na nabigong mapabagsak ni Ancajas ang kanyang kalaban matapos ang unanimous decision win laban kay Cebuano challenger Jonas Sultan noong Mayo 26 sa Fresno, California.
Hangad ngayon ni Ancajas na hamunin sina World Boxing Council king Srisaket Sor Rungvisai (46-4-1, 41 KOs) ng Thailand at World Boxing Association titlist Khalid Yafai (23-0-0, 14 KOs) ng United Kingdom para sa isang unification championship fight sa susunod na taon.
“We’re still focused on the big fights, to unify,” sabi ni matchmaker Sean Gibbons kay Ancajas. “I can’t pin it down to one thing, I still go back to styles.”
Samantala, pinabagsak ni Filipino featherweight contender Genesis Servania (32-1-0, 15 KOs) si Mexican Carlos Carlson (23-0-5, 14 KOs) sa huling 44 segundo ng third round sa kanilang non-title fight sa undercard ng boxing event.
- Latest