MANILA, Philippines — Kulang-kulang na sasabak ang Meralco Bolts sa paparating na 2018 International Basketball Federation (FIBA) Asia Champions Cup na nakatakda sa Nonthaburi, Thailand mula Setyembre 27 hanggang Oktubre 2.
Ito ay dahil sa injuries ng key players na sina Jared Dillinger at Ranidel De Ocampo.
Nagtamo ang beteranong big man na si De Ocampo ng bahagyang punit sa kanyang kaliwang binti na dahilan sa 86-96 kabiguan ng Bolts kontra sa Phoenix kamakailan upang hindi siya makapaglaro.
Dahil dito, nahulog ang Bolts sa 1-3 kartada sa pagpapatuloy ng 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Governors’ Cup.
Hindi pa nakakarekober ng husto mula sa dalawang bone spurs removal sa kanyang kanang paa ay nadale ulit ang guard na si Dillinger ng quad injury.
Bunsod nito, hindi makakasama ang dalawa sa kampanya ng koponan sa Thailand kung saan ka-grupo nila ang defending champion na Al Riyadi ng Lebanon, Alvarck Tokyo ng Japan at Mono Vampire ng host-nation na Thailand.
Maiiwan nalang ngayon sa kamay nina Chris Newsome, Baser Amer, Cliff Hodge, Reynel Hugnatan, KG Canaleta at two-time Best Import Allen Durham ang responsibilidad na akayin ang Meralco.
May dumating na saklolo para sa Bolts ni head coach Norman Black sa katauhan ng higanteng si Liam McMorrow na nandito na sa Pinas noon pang Martes.
May taas na 7’2, inaasahang malaking tulong si McMorrow kay Durham sa kampanya ng Meralco sa prestihiyosong eight-team tourney.