Excited na ngayon pa lamang si SBP president Al Panlilio para sa susunod na window ng FIBA World Cup qualifiers kung saan inaasahan niya na pangu-ngunahan ni June Mar Fajardo at Greg Slaughter ang Philippine roster.
“We are hoping that in the December window, both Greg and June Mar will finally be healthy to represent Gilas Pilipinas,” ani Panlilio.
Kung wala ng magiging balakid, finally magkakasama ang dalawang higanteng Cebuano sa national team na lalaro ng back-to-back games sa harap ng Filipino fans.
Parehong sa Pilipinas nakatakda ang Phl-Kazakhstan match sa Nov. 30 at ang Phl-Iran rematch sa Dec. 3.
Pagkatapos noon ay isasara na ng Team Phl ang kanilang FIBAWC campaign sa paglalaro ng dalawang sunod na “away games” kontra sa Qatar sa Doha sa Feb. 21 at kontra sa Kazakhstan sa Almaty sa Feb. 24.
Kung mananatili sa loob ng Top Three, awtomatikong susungkit ang Team Phl ng ticket patungo sa 2019 World Cup sa China.
Hanggang sa Nov. 30 kontra sa Kazakhstan, kailangan nating sumandal sa mga local big men dahil patuloy na magsisilbi si Andray Blatche ng suspension dahil sa kanyang partisipasyon sa rambulan na naganap sa Gilas-Australia tussle.
Pero ang sapantaha ng marami, mukha naman talagang hindi na kailangang gumasta pa para sa serbisyo ni Blatche dahil napupunan naman ang kanyang absence ng mga kagayang laro na ipinapakita ni Christian Standhardinger.
“Intimidating siya as an inside presence pero mukhang mas bagay pa nga sa Philippine team ang quickness at versatility ni Christian Standhardinger. At siguradong malaki ang katipiran ng Team Phl kung pure local lang ang team natin,” ani kosang Kandong Pabaya.
* * *
Special na komendasyon naman ang pinarating ni Panlilio kay Marcio Lassiter sa kanyang desisyon na patuloy na magbigay serbisyo sa national team kahit na dinaramdam ang putok na eyebrow na natamo sa laban kontra sa Iran.
“Marcio personified what commitment is all about. That is the character that we in SBP strongly espouses. We just don’t want players who are interested, we love players who are committed,” ani Panlilio.
“With players like Marcio in our national team, I am excited to see our vision of a united and committed Philippine team capable of reaching basketball supremacy in Asia,” dagdag pa ni Panlilio.