HAT YAI, Thailand – Nakalasap ang 60-and-under team ng Filipino-Chinese Veterans Basketball Association (FCVBA) ng 69-86 kabiguan laban sa Pontianak Meteors ng Indonesia sa championship game ng ASEAN Basketball Veterans Tournament noong Biyernes sa Prince Songkla University gym dito.
Ito ang pinakamasamang kabiguan ng FCVBA 60-under squad matapos ang impresibong average winning margin na 17.25 points sa kanilang unang apat na sunod na panalo.
Nabigo ang tropa na makumpleto ang ‘four-peat’ sa torneo.
Matapos ang dikitang first half action ay kumawala ang mga Indonesians sa third period para talunin ang mga FCVBA dribblers.
Ganap na nakuha ng Pontianak Meteors ang 64-47 kalamangan papasok sa payoff period.
Ilang mahalagang free throws ang naimintis nina Elmer Reyes, ex-La Salle star Kenneth Yap, Danny Ching, Aries Franco at Elmer Latonio.
Samantala, tinalo ng FCVBA 65-and-under team, suportado rin nina Terry Que ng Rain or Shine, Eduard Tio ng Freego at Jimi Lim ng Ironcon Builders, ang Miri ng Malaysia, 47-37, para pumangatlo.