MANILA, Philippines — Handa na ang Philippine women’s national team na makipagsabayan sa matitikas na Asian teams sa pagsisimula ng prestihiyosong 2018 Asian Women’s Volleyball Cup ngayong araw sa Korat Chatchai Hall sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Unang mapapalaban ang Pilipinas kontra sa Australia sa alas-5 ng hapon (Manila time).
Pasok sa Pool C ang Pilipinas at Australia kasama ang Kazakhstan at Iran kung saan ang dalawang mangungunang koponan ang uusad sa quarterfinals.
Sunod na makakasagupa ng Pilipinas ang Iran bukas sa alas-5 bago makatipan ang Kazakhstan sa Martes sa parehong oras.
Papalo para sa Pilipinas sina three-time UAAP MVP Alyssa Valdez, Cha Cruz, Aby Maraño, Maika Ortiz, Mika Reyes, Mylene Paat, Jia Morado at Denden Lazaro na bahagi ng national team na naglaro sa 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia.
Magsisilbing team captain si Maraño.
Dagdag-puwersa sina outside hitter Grethcel Soltones at opposite spiker Aiza Maizo-Pontillas na malaking tulong para punan ang pagkawala ng ilang key players.
Kasama rin sina Jema Galanza, Risa Sato, Jasmine Nabor at Melissa Gohing.
Nadagdag ang anim na manlalaro dahil hindi masisilayan sa aksiyon sina Dindin Santiago-Manabat at Jaja Santiago na parehong maglalaro sa kani-kaniyang clubs sa Japan, habang nasa bakasyon sina Dawn Macandili, Majoy Baron at Kim Dy.
Injured si ace setter Kim Fajardo at mangangailangan ng apat na linggong pahinga.
Nasa Pool A ang host Thailand, Japan at South Korea, at nasa Pool B ang Olympic champions at Asian Games gold medalist na China kasama ang Vietnam at Chinese-Taipei.