MANILA, Philippines — Masusubok ang Meralco Bolts matapos na maigrupo sa Group B sa 2018 FIBA Asia Champions Cup mula Setyembre 27 hanggang Oktubre 2 sa Nonthaburi, Thailand.
Makakasama ng Bolts ang nagdedepensang Al Riyadi mula sa Lebanon, Alvarck Tokyo ng Japan at Mono Vampire ng host na Thailand sa solidong Pool ng eight-team Champions Cup.
Noong nakaraang linggo ay napili ng PBA Board ang Meralco para maging kinatawan ng liga at ng bansa kasunod ng kanilang Annual Planning Session na ginanap sa Las Vegas, USA.
Subalit hindi magiging madali ang misyong naiatang sa mga balikat ng Meralco lalo at tatlong solidong koponan ang makakasagupa nila.
Dalawang beses naghari sa Champions Cup ang Al Riyadi at pinakabago ay noong 2017 title matapos panisin ang China Kashgar.
Ito ay bukod pa sa 14 titulo nila sa lokal na liga sa Lebanon.
Hindi rin padadaig ang Alvarck Tokyo na kagagaling lang sa pagdomina sa Japan B. League kontra sa Chiba Jets.
Nakasandal naman sa homecourt ang Mono Vampire na kinapos lamang kontra sa San Miguel-Alab Pilipinas sa 2017-2018 Asean Basketball League.
Sa kabutihang palad, may maaasahan si head coach Norman Black na solidong koponan na siyang back-to-back runner up ng PBA Governors’ Cup.
Pangungunahan ang Bolts ng two-time reigning Best Import ng season-ending conference na si Allen Durham.
Kasalukuyan pang naghahanap si Black ng kapares ni Durham para mapalakas ang tsansa ng koponan sa torneong pinapagayan ang dalawang imports.
Bago ang pagsabak sa Champions Cup ay sasalang ang Meralco kontra sa Phoenix sa pagbabalik ng PBA Governors’ Cup sa Miyerkules sa Smart-Araneta Coliseum.
Samantala, sa Setyembre 28 ay haharapin naman ng Bolts ni Black ang Rain or Shine.