MANILA, Philippines — Tumataginting na P15 milyong maximum contract extension ang nakatakdang igawad ng Blackwater kay John Paul Erram.
Iyan ang tiniyak ni team owner Dioceldo Sy sa oras na makabalik sa bansa ang national team member na si Erram mula sa kampanya sa 18th Asian Games sa Jakarta, Indonesia.
Napaso na kahapon ang kontrata ni Erram, ngunit mananatiling pinakamahalagang piraso ng koponan bunsod ng naturang contract extension sa loob ng tatlong taon.
Premyo ito ng Blackwater kay Erram bilang tapat na kawal simula nang pumasok ang koponan sa PBA noong 2014 bukod pa sa magilas na pagkatawan niya sa national team sa 2018 Asiad.
Magugunitang napili si Erram sa 2013 PBA Rookie Draft bilang 15th overall pick bago napadpad sa Blackwater mula sa dispersal pool nang pumasok ang koponan sa PBA.
Buhat noon, ang 6-foot-8 center na lamang ang natirang manlalaro mula sa original na Blackwater team apat na taon na ang nakakalipas para maging pundasyon at mukha ng prangkisa ngayon.
Produkto ng Ateneo de Manila University, hinangaan si Erram sa kanyang unang pagsalang sa national team nang maglaro nang buong puso hanggang sa malagasan pa siya ng dalawang ngipin sa pagsagip ng bola sa laban ng koponan kontra Korea noong Lunes.
Bunsod nito, isa si Erram sa ikinukunsider ni coach Yeng Guiao na maging bahagi ng koponang sasalang naman sa second round ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Setyembre.
Ngunit bago iyon, inaasahang magbabalik na sa kanyang koponan na Blackwater si Erram.