PALEMBANG—Winalis ng Pilipinas ang dalawang laro laban sa Laos, 2-1, at Pakistan, 2-1, para kunin ang isang quarterfinal ticket sa men’s team event ng 18th Asian Games soft tennis competition kahapon dito sa Jakabaring Sports City Courts.
Sa likod nina Joseph Arcilla, nakababatang kapatid ni dating national lawn tennis player Johnny Arcilla, at Mark Anthony Alcoseba at Noel Damian Jr. ay tinalo ng mga Pinoy netters ang mga Laotians at Pakistanis sa Group A.
Nakatakdang harapin ng Nationals ang mga Koreans kahapon at ang panalo ang magdadala sa kanila sa semifinal round.
Ang kabiguan naman ang magtatakda sa laban ng mga Pinoy at Taiwanese sa round-of-eight ngayon.
Samantala, yumukod naman ang Philippine women’s squad sa kompetisyon matapos makalasap ng parehong 0-3 kabiguan sa China at Chinese-Taipei, ayon sa pagkakasunod.