JAKARTA — Sa ikalawang Asian Games stint ni Kiyomi Watanabe ay naihatid niya ang kauna-unahang medalya ng Pilipinas sa judo dagdag sa nauna nang 4 golds at 13 bronze medals para sa 17th place as of 6 p.m. kagabi.
Sinubukan ng 22-gulang na si Watanabe, ang ‘three-peat’ SEA Games gold medalist, na ibigay ang ikalimang gold ng Pinas ngunit naiskoran siya ng ippon ni Nami Nabekura ng Japan sa unang round ng kanilang three-round match at hindi na nakahabol pa para makuntento sa silver medal sa pagbubukas ng judo competition.
“Inilagay ko sa isip ko na mananalo ako ng medal,” wika ni Watanabe, sports science student sa Waseda University sa Tokyo, sa wikang Nihonggo. “Malalakas ang Mongolia at Korea, ibinigay ko lahat sa last game ko pero kinabahan ako,”
Pumasok sa finals si Watanabe, nag-bye sa first round, matapos talunin si Gankhaich Bold ng Mongolia sa pamamagitan ng waza-ari.
Nauna nang tinalo ni Watanabe si Orapin Senatham ng Thailand.
Ang kanyang kasamahang si Mariya Takahashi ay umabot sa quarterfinals ng women’s 70kgs. bago sinibak ni Korean Kim Seongyeon via ippon matapos patalsikin ang Thai na si Surattana Thonsri via ippon.
Ang isa pang Fil-Japanese judoka na si Neise Nakano na lumusot sa men’s 73kg round-of-32 matapos talunin si Eval Salman Younis ng Jordan ay sinibak ni Barimanlou Mohammadi ng Iran via ippon sa round-of-16.
Samantala, sisikapin naman nina Kim Mangrobang at Kimberly Kilgroe na madagdagan ang ambag ng mga Pinoy na lumalaban sa Palembang sa pagsisimula ng triathlon competition ngayon.
Mula sa 16th place ay nasa 17th spot ngayon ang Pinas, binigyan ng gold nina weightlifter Hidilyn Diaz, skateboarder Margielyn Didal, golfer Yuka Saso na nanguna rin sa women’s team kasama sina Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go.
Ang mga bronze medalists ay ang men at women’s poomsae team, taekwondo jin Pauline Louise Lopez, wushu artists Agatha Wong at Divine Wally, jiu-jitsu Meggie Ochoa, BMX rider Daniel Caluag, isa kay Pagdanganan at apat sa pencak silat.