JAKARTA — Sino ang mag-aakala na ang isa sa mga hinuhuli-huli ng mga pulis na mga batang nag-i-skateboard sa kalye sa Cebu ay makakapagbigay pala ng karangalan para sa bansa sa kanyang pagkapanalo ng gold medal dito sa 18th Asian Games?
Salamat sa mga humuhuli noong mga pulis sa grupo ng 19-gulang na si Margielyn Didal, mas lalo siyang naging determinado, nadiskubre at ngayon ay isa nang bayani ng Pinas matapos makopo ang ikaapat na gold medal ng Pinas sa women’s street skateboarding competition sa Palembang.
Hiling ni Didal na mabago ang tingin ng tao sa mga skateboarders at magkaroon ng maraming skateboard parks sa Pilipinas.
“Lagi kaming hinahabol ng pulis, bawal kami pumasok sa mall na may dalang skateboard,” kuwento ni Didal, anak ng isang karpintero at tindera ng “kwek-kwek” sa Concave Skate Park sa Lahug, Cebu City kung saan siya nadiskubre ni coach Danny Gutierrez pitong taon na ang nakakaraan.
“Malaking karangalan po na mag-iba ang paningin ng tao sa skaters. Nabigyan ng boses ang skateboard. Gusto ko ring maipakita na skateboarding is a serious sport but can also be fun as well,” ani Didal, nakatakda sanang umuwi kahapon ngunit mananatili siya hanggang closing ceremonies bukas dahil siya ang itinalagang flag bearer ng Philippine delegation.