JAKARTA — Matapos bigyan ng karakter ang “Gilastopainters” dahil sa kanyang presensiya, nais bigyan ng Philippine national basketball team ng magandang pabaon si Jordan Clarkson bago ito bumalik sa Cleveland.
“We want to give Jordan a going away present,” pahayag ni coach Yeng Guiao na naitalaga nang coach ng Gilas para sa World Cup qualifiers. “We still want to finish strong. We still want to feel good about this after having sorry losses.”
Sasagupain ng Phl cagers ang Syria ngayong alas-6:30 ng gabi (7:30 p.m. Manila time) sa GBK Basketball Hall sa labanan para sa fifth place matapos muling sibakin ng Korea sa medal contention.
Sa GBK Volleyball Indoor Court ay sasagupain naman ng Philippine women’s volleyball team ni Alyssa Valdez ang Kazakhstan sa classification round ng 5th-8th place sa alas-2:30 ng hapon (3:30 p.m. Manila time).
Matapos simulan ang kampanya sa pamamagitan ng 96-59 panalo kontra sa Kazakhstan kung saan wala pa si Clarkson, dalawang masaklap na kabiguan ang nalasap ng Gilas Pilipinas sa likod ng impresibong performance ng Fil-Am NBA player na sinuportahan ni Christian Standhardinger.
Naging tinik sa lalamunan ng China si Clarkson na tumapos ng 28 puntos bago isuko ang 80-82 pagkatalo at tumapos ito ng 25 puntos sa 82-91 pagkatalo sa Korea bago pagbuntunan ng sama ng loob ang Japan, 113-80.
Samantala, kailangan namang talunin ng Pinay Spikers ang Kazakhstan para harapin ang mananalo sa pagitan ng Thailand at South Korea bukas para sa fifth place.