JAKARTA — Dalawang boxers kaagad ang nasibak sa pagsisimula ng kampanya ng 8-man Pinoy pugs kamakalawa sa boxing competition ng 18th Asian Games.
Unang nasibak si Joel Bacho sa kanyang 1-4 kabiguan kontra kay Iranian Sajjad Kazemzadeh Poshtiri sa round-of-32 ng men’s welterweight division bago ang hindi katanggap-tanggap na 2-3 split decision loss ni Nesthy Petecio kontra kay Junhua Yin ng China bagama’t paborito itong manalo bilang defending champion at two-time Olympic silver medalists.
“Kahit ako nakita ko sa laro, panalo po talaga ako. Kahit ‘yung crowd, pati ‘yung mga nakakasalubong ko, panalo daw po talaga ako,” ani Petecio. “Nakakasama po talaga ng loob dahil pangarap ko talaga ‘to (manalo ng gold sa Asian Games) para sa pamilya ko, para sa bayan. Nalulungkot ako, masakit po talaga pero hindi na po mababago.”
Minsan nang napatumba ni Petecio ang nakalaban sa kanilang naunang sagupaan sa isang torneo sa Russia.
“Lahat na ng daya ginawa niya sa akin, grabe ang holding niya sa akin, nire-wrestling na niya ako. Halatang takot talaga siya sa akin. Inaabangan niya ‘yung malakas na suntok ko,” kuwento pa ni Petecio.
Sinabi ni Association of Boxing Alliances of the Philippines secretary-general Ed Piczon ang mga boxing officials ng Asian Games na aniya ay nangako ng fair competition.
“Protests are not allowed but I will appeal that the judges responsible for this travesty not be assigned to officiate in the coming Philippine fights as judges or referees. I think that is fair,” ani Piczon.
Lalaban pa sina SEA Games gold medalists Felix Marcial, Carlo Paalam, James Palicte, Irish Magno, Rogen Ladon at Mario Fernandez.