Pinay spikers yumukod sa bigating Thailand
JAKARTA — Hindi kinaya ng Philippine women’s volleyball team ang lakas ng Thailand at nalasap ang 22-25, 12-25, 15-25 kabiguan sa pagbubukas ng kanilang kampanya sa 18th Asian Games sa Gelora Bung Karno (GBK) Indoor Court kahapon.
Armado ng 10-araw na training sa Japan, nagpakitang-gilas ang Philippine volleybelles nang magawa nilang lumamang sa 9-2 sa kaagahan ng laban upang tapusin ang first set sa dikit na 22-25.
Ngunit hindi na sila pinaporma ng Southeast Asian Games perenial champion na Thailand sa mga sumunod na sets upang malasap ang kabiguan sa pagbabalik ng Pinas sa unang pagkakataon sa women’s volleyball na huling sinalihan noong 1982.
Makakapagpahinga at makakapaghanda ngayon ang Philippine Team bago sumabak uli bukas kontra sa Japan sa alas-4:30 ng hapon (5:30 p.m. sa Manila) sa Bulungan Sport Hall.
May pag-asa pa rin ang Pilipinas na makapasok sa knockout stage dahil may tatlong laro pa silang natitira at kailangan lamang nilang pumuwesto sa top four sa five-team group.
Umiskor si Alyssa Valdez ng 7 points at nagdagdag naman ng tig-6 sina Jaja Santiago at Kim Kianna Dy para sa Pinas.
Humataw naman sina Chatchu On Moksri, Pimpichaya Kokram at Pleumjit Thinkaow na may pinagsama-samang 38 points para sa panig ng Thailand.
- Latest