JAKARTA — Baon ang magandang training mula sa Japan, sisimulan ngayon ng Philippine women’s volleyball team ang kanilang kampanya sa 18th Asian Games sa pagharap sa bigating Thailand sa Gelora Bung Karno (GBK) Tennis Indoor Courts.
Alas-12:30 ng tanghali (1:30 Manila time) ang unang laban sa Pool A ng mga Pinay volleybelles na hindi na sumama sa parade of teams kagabi para mag-practice na lamang at mapaghandaan ang No. 3 seed na Thailand na siyang perennial champion team sa SEA Games at bronze medalist noong 2014 Incheon Asian Games.
“Napakalaking tulong ang naibigay sa amin (training sa Japan). Parang kulang pa nga, madami pang kailangan matutuhan,” pahayag ni National coach Shaq Delos Santos na sasandal kina Alyssa Valdez, Aby Maraño, Mika Reyes, Jaja Santiago at kapatid niyang si Dindin Manabat, at iba pa.
Pagkatapos ng Thailand ay Japan naman ang kalaban ng mga Pinay sa Martes sa Bulungan Sports Hall sa alas-4:30 ng hapon (5:30 sa Manila), Hong Kong sa Huwebes sa alas 12:30 ng tanghali (1:30 p.m. sa Manila) sa parehong venue at Indonesia sa alas-7 ng gabi (8 p.m. sa Manila) sa Sabado sa GBK tennis Indoor courts.
Kailangan lamang ng Philippine lady spikers ng isang panalo upang makapasok sa quarterfinals at umaasa silang magagawa nila ito kontra sa Hong Kong at sa host na Indonesia.
Ang iba pang miyembro ng team ay sina Mary Joy Baron, Cha Cruz, Kianna Dy, Kim Fajardo, Dawn Macandili, Frances Molina, Jia Morado, Maika Ortiz at Denden Lazaro.
Sapul noong 1982 ay ngayon pa lamang ulit nagkaroon ng lahok ang Pinas sa women’s volleyball ng Asiad.
Huling nagkampeon ang Pinas sa Southeast Asian Games noon pang 1993.