JAKARTA — Matapos ang matagal na panahong pagkawala sa women’s volleyball sa Asian Games, magbabalik ang Pinas sa kauna-unahang pagkakataon at nais ng koponan na makapagpakita ng magandang performance.
Dumating sa Soekarno-Hatta International Airport ang koponang pinangungunahan nina Alyssa Valdez, Aby Maraño, Mika Reyes, Jaja Santiago at kapatid na si Dindin Manabat at dumiretso sa Athletes Village sa Kemayoran area.
Nagdesisyon ang Phl volleybelles na huwag nang sumama sa parada ng mga koponan sa opening ceremony ngayon upang makapag-practice para sa laban kontra sa bigating Thailand bukas.
Pagkatapos ng Thailand, susunod na kalaban ng Nationals ang Japan sa Martes, Hong Kong sa Huwebes at Indonesia sa Sabado.
Sa Hong Kong at Indonesia malaki ang tsansa ng Pinas na manalo na kung mangyayari ay makakausad ang Nationals sa quarterfinals.
“We want to make it to the quarterfinals,” pahayag ni Larong Volleyball Inc. president Peter Cayco. “If we beat Hong Kong we will get to the quarterfinals. I also think we can get past Indonesia.” Mae B.Villena