SBP hinihintay ang desisyon ng NBA para kay Clarkson
MANILA, Philippines — Hangga’t wala pang pinal na desisyon ang National Basketball Association ay patuloy na hahawak sa kanilang paniniwala ang Samahang Basketbol ng Pilipinas na makakapaglaro si Jordan Clarkson sa 18th Asian Games.
Hanggang kagabi ay wala pang natatanggap na mensahe si SBP president Al Panlilio mula sa NBA tungkol sa isyuko kay Clarkson.
Ang Fil-American guard ay kasalukuyang may kontrata sa Cleveland Cavaliers.
Sinasabing pinayagan na si Clarkson ng Indonesia Asian Games Organizing Committee para maglaro sa quadrennial event na nakatakda sa Agosto 18 hanggang Setyembre 2.
Noong Biyernes ay isinama ni national coach Yeng Guiao ang pangalan ng 6-foot-4 Fil-Am sa kanyang 12-man lineup para sa 2018 Indonesia Asiad.
Ito ay matapos payagan si Clarkson ng IAGOC at Olympic Council of Asia (OCA).
Tatlong beses nang ni-rebooked ni Clarkson ang kanyang flight patungong Pilipinas habang hinihintay ang desisyon ni NBA Commissioner Adam Silver.
Kung hindi papayagan ng NBA si Clarkson ay si Don Trollano ng TNT Katropa ang papalit sa kanyang puwesto sa Philippine team.
Ang mga nasa Final 12 ay sina Chris Tiu, Maverick Ahanmisi, Beau Belga, Raymond Almazan, Gabe Norwood at two-time PBA MVP James Yap ng Rain or Shine, Poy Erram ng Blackwater, Fil-German Christian Standhardinger ng San Miguel, combo guard Paul Lee ng Magnolia, playmaker Stanley Pringle ng Globalport at ang 45-anyos na si NLEX center Asi Taulava.
Sina Gilas cadets Ricci Rivero at Kobe Paras ay inilaglag ni Guiao sa listahan.
Bibiyahe ang koponan ngayon patungong Indonesia.
“We’re trying to get him to arrive before Sunday so he can at least join the Sunday morning practice,” sabi ni Guiao kay Clarkson.
- Latest