Batang Gilas sasagupa sa Lebanon sa FIBA U18
MANILA, Philippines — Sasagupain ng Batang Gilas ang palaban na Lebanon sa pagsisimula ng 2018 FIBA Under-18 Asian Championship ngayon sa Stadium 29 sa Bangkok, Thailand.
Nakatakda ang sagupaan sa alas-9 ng gabi (Philippine time) kung saan hangad ng Nationals na maitala ang 1-0 record para mapalakas ang tsansang makapasok kaagad sa quarterfinals ng naturang torneo na magsisilbing qualifier para sa FIBA Under-19 World Cup sa susunod na taon.
Ayon sa format ng U-18 Asian Championship, tanging ang top seed lang sa bawat grupo ang papasok sa quarterfinals, habang ang magtatapos sa segunda at tersera puwesto ay kinakailangan pang dumaan sa qualification round at ang kulelat na koponan ay matatanggal na sa kontensyon.
Ang unang puwesto sa grupong kinabibilangan ng Lebanon, United Arab Emirates at powerhouse na China ang susubukang makuha ng 34th-ranked na Batang Gilas.
Ang tropa ay babanderahan ng twin towers na sina 7-foot-1 Kai Sotto at 6’10 AJ Edu.
“We’ll try to finish the best finish we can. Like I said, it’s tough to give a number,” sabi ni coach Josh Reyes.
Huling naglaro ang bansa sa FIBA U19 World Cup noong 1979.
Kasama rin sa Batang Gilas nina Sotto at Edu sina Raven Cortez ng La Salle, Geo Chiu ng Ateneo, Xyrus Torres ng FEU, Rhayyan Amsali ng San Beda, Bismarck Lina ng UST, Joshua Ramirez, Gerry Abadiano, Miguel Oczon, Dave Ildefonso ng NU at si Filipino sensation Dalph Panopio.
- Latest