MANILA, Philippines — Nasungkit ng national junior bowling team ang tansong medalya sa boy’s team event ng 2018 World Bowling Youth Championships sa Allen Park sa Detroit, Michigan.
Nagkasya ang Pilipinas sa ikatlong puwesto matapos matalo sa Qatar sa semifinals sa torneong nilahukan ng mahigit 50 bansa.
Nagtala sina Ivan Malig, Kenzo Umali, Praise Gahol at Merwin Tan ng 539 pinfalls mula sa 190, 176 at 173 sa three-game semifinals laban sa 588 pinfalls (213, 158 at 217) nina Jassim Al Muraikhi, Mohammed Al Merekhi, Jassem Al Deyab at Ghanim at Aboujassoum.
Nasikwat naman ng Qatar ang gintong medalya nang itarak ang 472-437 panalo laban sa Finland sa championship round.
Umabante sa Final Four ang Pilipinas matapos pumangalawa sa elimination round.
Nakalikom sina Malig, Umali, Gahol at Tan ng kabuuang 5,147 pinfalls sa anim na laro - 827, 891, 869, 864, 821 at 875.
Ginabayan ang tropa ni dating world champion Biboy Rivera.
Ito ang unang medalya ng Pilipinas sa World Bowling Youth Championships upang tuldukan ang mahigit dalawang dekadang pagkauhaw ng bansa sa medalya sa naturang torneo.