Puso ang nagpanalo sa F2

MANILA, Philippines — Matapang at matibay na puso ang sinandalan ng F2 Logistics Cargo Movers sa kanilang 2-0 sweep laban sa karibal na Petron Blaze Spikers sa best-of-three Finals series ng 2018 Chooks to Go-Philippine Superliga Invitational Conference na nagtapos noong Sabado ng gabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

“My players did not lose their composures. They never gave up. It all boiled down to the heart and mental toughness of our team and our desire to win that led us to this victory,” sabi ni F2 coach Ramil de Jesus.

Ang matagal na nilang pagsasama simula pa noong kapanahunan nila sa De La Salle Lady Spikers ang siya ring nagbigay ng malaking kontribusyon sa kanilang panalo upang makaganti sa pagkatalo ng Cargo Movers sa mga kamay ng Blaze Spikers noong nakaraang 2018 Grand Prix conference, ayon pa kay De Jesus.

Kung matatandaan, dati ring naglalaro sina Ara Galang, Cha Cruz-Behag, Aby Maraño at Kim Fajar-do sa pangangalaga ni De Jesus sa DLSU kasama sina Majoy Baron, Kim Dy, Des Cheng, Ernestine Tiamzon, Michelle Cobb at Dawn Macandili.

Winalis ng Cargo Movers ang best-of-three Finals series matapos ang kanilang 25-18, 23-25, 25-23, 25-18 panalo laban sa Petron sa Game 2 kasunod ng kanilang 18-25, 25-23, 20-25, 29-27, 16-14 tagumpay sa Game 1 noong Huwebes sa event na sinusuportahan ng Isuzu, Sogo Hotel, UCPB Gen at ESPN5, Hyper HD at AksyonTV bilang broadcast partners.

“I’m here to guide the players and push them to their limits. When there is a room for improvement and something is missing on their performance, we are here to help them,” pahayag ni De Jesus sa pagtatapos ng kanilang kampanya sa torneong sinusuportahan din ng Senoh, Mikasa, Mueller, Grand Sport at Asics bilang technical sponsors.

Kahit nabigo ang Cargo Movers na masungkit ang outright semis berth matapos matalo sa Petron sa huling araw ng elimination round, pero hindi nawalan ng tiwala si De Jesus sa kanyang tropa at lalo pang tumibay ang kanilang samahan.

“I keep on reminding them when their performance is declining. All of my players have already created a name in Philippine volleyball and I don’t want their level to go down,” dagdag ni De Jesus.

Show comments