MANILA, Philippines — Hindi pa man sumasabak sa Asian Games, nalagasan agad ang women’s national volleyball team matapos magtamo ng injury si open hitter Ces Molina ng Petron Blaze Spikers.
Tuluyan nang tinanggal sa final lineup si Molina na natuklasang may stress fracture.
Papalitan ito ni Cignal opposite spiker My-lene Paat na bahagi ng national pool.
Agad namang ipinaalam ng Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. sa Philippine Olympic Committee ang mga kaganapan upang mapalitan ang lineup ng volleyball.
Pinahihintulutan ng Asian Games Organizing Committee ang pagpapalit ng pangalan sa lineup kung may kinalaman ito sa usaping medikal gaya ng hindi inaasahang injury.
Nauna nang umalis sa Final 14 si reserve setter Rhea Dimacula-ngan dahil sa personal na kadahilanan.
Naging kapalit ni Dimaculangan si middle blocker Maika Ortiz.
Kasama nina Paat at Ortiz sa lineup sina Alyssa Valdez, Jaja Santiago, Dindin Santiago-Manabat, Aby Maraño, Cha Cruz-Behag, Jia Morado, Kim Fajardo, Majoy Baron, Kim Kianna Dy, Dawn Macandili, Denden Lazaro at Mika Reyes.
Nakatakdang magtungo ang national team sa Japan para sumailalim sa training camp doon at ilang serye ng tuneup games kasama ang matitikas na volleyball clubs.
Mapapalaban ng husto ang national team sa Asian Games dahil makakasama nito sa Pool A ang Asian powerhouse teams Thailand at Japan.
Nasa grupo din ang host Indonesia at Hong Kong.