Walang dapat ikahiya ang Alaska Aces

MANILA, Philippines — Taas-noo at walang dapat ikahiya ang mga magigiting na Aces.

Iyon ang nais isipin ng kanyang mga manlalaro ayon kay Alaska head coach Alex Compton sa kabila ng kanilang pagkakasibak sa 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner’s Cup.

Kinapos ang Alaska, 99-104 sa Game 4 upang tuluyang yumukod sa best-of-five semi-finals series kontra sa karibal na San Miguel kamakalawa ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Ngunit hindi ito dahilan upang marangal nilang lisanin ang digmaan.

“I don’t know if there’s much more I can ask for our guys. We overcame a lot,” ani Compton na nadala sa semis ang koponan sa kabila ng sandamakmak na problemang nakaharap nila buong komperensya.

Sa semis pa lang, sina-gupa nila ang higanteng Beermen habang injured ang import na si Diamon Simpson na nagtamo ng sprained ankle injury noong Game 2 pa lang.

Naglaro pa nga na putok ang labi ni Simpson sa Game 4 gayundin ang top local player nila na si Vic Manuel na may iniindang lagnat noon.

Bukod dito ay na-lagasan ng mga manlalaro ang Aces sa katauhan nina Calvin Abueva na napatawan ng indefinite suspension bunsod ng pag-liban sa koponan nang walang paalam gayundin si Chris Banchero na nag-indefinite leave dahil sa personal family problems.

Kung tutuusin ay iti-nuring sana ng Alaska na balakid at dahilan ang mga ito ngunit pinagpag ang mga pasanin na ito nang magtapos bilang second seed sa eliminasyon at nilaglag ang karibal na Magnolia sa quarterfinals para makapasok sa semis sa unang pagkakataon sa loob ng dalawang taon.

“All the things that happened, they didn’t make an excuse. They kept fighting. I’ll go to any war with my guys,”dagdag ni Compton.

Hindi dito nagtatapos ang laban ng Alaska at dadagdag lamang sa tatag nila ang mahirap na karanasang ito para sa mga susunod nilang digmaan na baka sakali ay sila naman ang magtagumpay.

“I want to see people inspired with the little guys having a fair chance. Para ito sa mga taong feeling nila wala ng pag-asa. Tatayo pa rin kami. Lalaban ulit,” aniya.

“We’ll keep fighting. One day, we’ll get that breakthrough.”

Show comments