MANILA, Philippines — Pupuntiryahin ng mga Bullpups ng National University ang gold medal sa kanilang pagsabak sa 10th ASEAN School Games sa Klang, Malaysia.
Inaasahang magiging paborito ang Bullpups, umalis kahapon, para pagharian ang nasabing annual tournament dahil sa mga eksperyensa nina Carl Tamayo, Gerry Abadiano at Terrence Fortea na naglaro para sa Batang Gilas sa nakaraang FIBA World Cup Under-17 tournament sa Argentina.
“We hope we can translate our experiences in the World Cup to success this time,” wika ni coach Goldwin Monteverde, nagsilbing isa sa mga assistant coaches sa Batang Gilas.
Si Monteverde ang humawak din sa multi-titled Chiang Kai Shek College sa isang runner-up finish noong nakaraang taon.
Nakamit ng NU Bullpups ang karapatang maging kinatawan ng bansa matapos angkinin ang gold medal sa 2018 Palarong Pambansa sa Vigan City, Ilocos Sur.
Samantala, inaasahan ding dodominahin ng Phl under-18 team ang girls’ division sa event na lalahukan ng 1,600 student-athletes sa rehiyon.
Kaagad makakasagupa ng mga Pinay cagers ang mga Indonesians sa una nilang laro.