MANILA, Philippines — Matapos mabigong sungkitin ang outright semis berth, target ngayon ng F2 Logistics na buhayin ang pag-asa sa pagharap sa Sta. Lucia Lady Realtors sa quarterfinal round ng 2018 Chooks to Go-Philippine Superliga Invitational Conference na magpapatuloy sa Imus City Sports Complex sa Cavite.
Haharapin ng Cargo Movers ang Lady Realtors sa alas-7 ng gabi pagkatapos ng laban ng UP-UAI Lady Fighting Maroons at Cocolife Asset Managers sa classification phase sa alas-4:15 ng hapon.
Magtatagpo naman ang Foton Tornadoes at UE-Cherrylume Lady Warriors sa alas-2 ng hapon sa ibang classification match para sa ikapito hanggang pangsampung puwesto.
Ang mananalo sa F2 Logistics at Sta. Lucia ay haharap sa Cignal HD sa knockout semifinal round sa Sabado sa Muntinlupa Sports Center.
Pag-aagawan ang ikaapat na semis slot ng Generika-Ayala at Smart Army sa isa pang quarterfinal battle sa Huwebes sa FilOil Flying V Center kung saan ang mananalo ay haharap naman sa Petron Blaze sa ikalawang knockout semifinal game.
Nasungkit ng Pool A leader Petron Blaze Spikers at Pool B topnocher Cignal HD Spikers ang dalawang outright semis kaya naghihintay na lamang sila ng makakalaban sa knocout semis round.
Dumaan ang Cargo Movers sa quarterfinal round pagkaraang matalo sa Petron Blaze, 16-25, 25-21, 20-25, 24-26 noong nakaraang Sabado.
“We cannot afford to lose anymore or else we’re done for the conference. We have to forget our recent loss and I know that my players will bounce back stronger,” sabi ni F2 Logistics coach Ramil de Jesus.
Para naman kay Sta. Lucia coach George Pascua, sasandal siya kina Mar Jana Philips, Pam Lastimosa, setter Rebecca Rivera, Michelle Laborte, Toni Rose Basas, Jonah Sabete at dating Ateneo star Jhoanna Maraguinot.
“We have to reduce our errors and be more consistent. My players need more push and they have to strive harder and move forward,” ayon kay Pascua.