MANILA, Philippines — Walang panahon si Jeff Chan na magdiwang matapos ang 102-89 panalo ng Barangay Ginebra laban sa Rain or Shine sa Game One ng kanilang semifinals series noong Linggo.
“Masaya lang kami na ‘yung execution namin on defense against Rain or Shine, nag-work,” sabi ni Chan, humugot ng 10 sa kanyang 21 points sa fourth quarter. “Dapat maging ready kami sa mga adjustments nila.”
Target ng Gin Kings na maitarak ang mala-king 2-0 bentahe sa pagsagupa sa Elasto Painters ngayong alas-7 ng gabi sa Game Two ng kanilang best-of-five semifinals showdown sa 2018 PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Kumolekta si resident import Justin Brownlee ng mga game-highs na 35 points at 14 rebounds bukod pa ang 9 assists para sa 1-0 abante ng Ginebra laban sa Rain or Shine.
Nagtayo ang Gin Kings ng 18-point lead sa first half bago nakalapit ang Elasto Painters sa pagtatapos ng third period, 70-76.
Sa final canto ay humataw si Chan ng 10 points katuwang si Brownlee para 102-78 kalamangan ng Ginebra na hindi na nakuhang maibaba ng Rain or Shine.
Binanderahan ni import Reggie Johnson ang Elasto Painters sa kanyang 30 points at 13 rebounds, habang nagdagdag sina two-time PBA MVP James Yap at Ed Daquioag ng 15 at 10 markers, ayon sa pagkakasunod.
Hindi naglaro si 6-foot 8 wingman Japeth Aguilar para sa Gin Kings.
“The initial reading was he had a slight tear in his Achilles, but after further review it just seemed like it was swelling,” sabi ni two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone sa left ankle injury ni Aguilar.
Habang sinusulat ang balitang ito ay kasalukuyang naglalaban ang San Miguel Beer at Alaska sa Game 2 ng kanilang sariling semis series kung saan hawak ng Beermen ang 1-0 bentahe bunga ng 92-79 win sa Game 1.