MANILA, Philippines — Maningning na uuwi ng Pilipinas ang Pinoy boxers matapos humakot ng tatlong ginto, isang pilak at dalawang tanso sa 2018 Kapolri Cup Boxing International Open Tournament na ginanap sa Manado City sa Indonesia.
Nanguna sa matikas na ratsada ng national team si Philippine National Games champion Ramel Macado Jr. nang angkinin nito ang gintong medalya sa men’s light flyweight (49 kg.).
Nairehistro ni Macado ang 4-1 unanimous decision win laban kay Cornelis Kwangu Langu ng host Indonesia kung saan nakuha ng Pinoy pug ang 30-27, 29-28, 30-26, 29-28, 28-29 desisyon mula sa limang hurado.
Kuminang din sina 2012 AIBA World Championship gold winner Josie Gabuco (women’s light flyweight – 45-48 kg.) at 2014 AIBA World Championship silver medalist Nesthy Petecio (women’s featherweight 57 kg.) matapos magreyna sa kani-kaniyang dibisyon.
Nakuha ni Gabuco ang 30-27, 30-27, 30-27, 30-27, 30-25 panalo laban kay Endang Endang ng Indonesia samantalang namayani naman si Petecio kontra kay Vuong Thi Vy ng Vietnam sa pamamagitan ng parehong unanimous decision win, 30-27, 30-27, 30-27, 29-28, 29-28.
Sa kabilang banda, lumasap si AIBA World Boxing Championships bronze medallist Rogen Ladon ng nakapanlulumong 2-3 split decision loss kay Ryusei Baba ng Japan sa finals ng men’s flyweight (52 kg.).
Pumabor kay Ladon ang mga hurado mula sa Indonesia (30-27) at Saudi Arabia (29-28) subalit nakuha ng Japanese fighter ang boto ng tatlo pang natitirang judges mula sa India, Thailand at Chinese-Taipei na may magkakatulad na 29-28 iskor.
Nakuha naman nina Ronald Chavez Jr. (men’s light welterweight – 64 kg.) at Irish Magno (women’s flyweight – 51 kg.) ang tansong medalya sa kanilang kategorya.
Ang paglahok ng pambansang koponan sa Kapolri Cup ay bahagi ng paghahanda nito para sa 2018 Asian Games na lalarga sa susunod na buwan sa Jakarta at Palemban sa Indonesia.
Una nang kumana ang ibang miyembro ng national team ng isang ginto, isang pilak at dalawang tansong medalya sa 2018 Thailand Open International Boxing Tournament na ginanap sa Bangkok, Thailand noong nakaraang linggo.