MANILA, Philippines — Umusad si Johann Chua sa main draw matapos magsumite ng dalawang sunod na panalo sa 2018 World Chinese 8-Ball Masters sa Siping Gymnasium sa Siping, China.
Inilabas ni Chua ang kanyang tikas kontra kay Liu Dawei ng China para itarak ang 9-3 demolisyon sa una niyang pagsalang.
Ngunit dumaan sa butas ng karayom si Chua sa kanyang sumunod na asignatura bago naitakas ang 9-8 dikdikang panalo kontra sa isa pang Chinese bet na si Fan Zhisong.
Nakalugmok si Chua sa 1-6 iskor laban kay Fan subalit unti-unti itong tinapyas ng Pinoy cue master matapos samantalahin ang ilang mintis ng Chinese para makumpleto ang come-from-behind win.
Hindi naman pinalad si Jeffrey Ignacio nang lumasap ng 10-11 kabiguan kay Yang Hai ng China sa kanyang ikalawang laro.
Nagtala muna ng 9-1 panalo si Ignacio kontra kay Sun Lei at ng 7-3 pananaig kay Yang Xiaosong ng China bago yumukod kay Yang.
Pasok din sa main draw sina Gareth Potts ng England, Sanjin Pehlivanovic ng Bosnia and Herzegonvina, Ko Pin Yi ng Chinese-Taipei at Dimitrov Stanimir ng Bulgaria.