SAN ANTONIO - Plano ng Spurs na ibalik sa line-up si veteran point guard Tony Parker para sa ika-18 season.
Ayon sa isang report, tinitingnan ng mga kinatawan ng Spurs ang halaga ng 36-anyos na playmaker sa free agency, habang hangad naman ng San Antonio na mapanatili ang French star sa isang mentorship role.
Nagtala si Parker ng mga average career lows sa points (7.7), assists (3.5) at minutes (19.5) sa 55 games ng Spurs sa nakaraang season.
Hindi siya nakita sa unang 19 games ng season dahil sa pagrekober mula sa ruptured left quad na nalasap niya at nagkaroon ng sprained right ankle injury noong Enero kasunod ang sore back sa sumunod na buwan.
Ang mga injuries ang naging dahilan ng pag-upo ni Parker sa 14 games sa anim sa huli niyang pitong seasons.
Si Parker ang sinasabing isa sa mga dahilan ng tensyon ng Spurs at ni Kawhi Leonard nang sabihin niyang ang kanyang quad injury ay “100 times worse” na nangyari sa All-Star forward.
Hinirang bilang No. 28 overall ng San Antonio noong 2001, naging bahagi si Parker ng apat na title-winning teams ng Spurs kung saan siya nanalo ng NBA Finals MVP noong 2007.
Pumangalawa siya sa team history sa likod ni Tim Duncan sa games played (1,198), ikaapat sa points (18,943) at nangu-nguna sa assists (6,829).